Aalis na nga pala ako. Pupunta ako sa malayo. Doon sa hindi ninyo na maaabot. Nakakapagod din kasi. Nakakapagod maging bahagi ng laro ninyo kung saan ako naman ang laging talo. Nakakapagod manood sa kasiyahan ninyo. Nakakapagod mapagkaisahan ng mapaglarong mundo. Nakakasawang ipilit ang mga bagay na kahit anong gawin ko ay alam ko namang hindi mangyayari. Nakakasawang makibahagi. Nakakasawang makibagay. Nakakasawang makantsawan at maiwang nag-iisa.
Sa pag-alis ko, dala ko ang ating masasayang alaala. Masaya ako na naging bahagi ng isang mundo kung saan ang kasiyahan ay makukuha mo nang hindi mo na kailangang magpakahirap. Nakita ko kung paanong mangyari iyon. Nakakalungkot man isipin na nagaganap ang kasiyahan sa harap ko at hindi ako naging bahagi nito, masaya na rin ako na naging buhay akong saksi sa kung paanong maging masaya ang maraming tao sa paglalakbay nating ito.
Huwag ninyong kalimutan ang bawat masasayang sandali, ang bawat kantayawan, at ang bawat pinagdaanan. Hindi ko makakalimutan ang lahat ng iyon. Sa ating patuloy na pakikipagsapalaran sa mundo, nakita kong sabay-sabay tayong hinulma ng bawat pagpapagal tungo sa pagkamit ng mga bagay na makakapagpasaya sa atin. Nakita ko kung paanong naging mabuti tayong mga tao sa bawat pinagdaanan, kaya ang aking dalangin ay patuloy nating ilakip sa ating pakikipagsapalran sa umiinog na mundo ang bawat kaalaman na makapaghuhubog sa atin upang maging mas mabuting mga tao.
Huwag kang magmadali, kaibigan. Kayong lahat. Tayong lahat. Huwag tayong magmadaling matuto upang mahanap na kaagad ang kaligayahan at ang kaganapan ng ating mga pangarap. Hayaan nating unti-unti nating magamay ang buhay. Hayaan nating tayo mismo ang makadiskubre kung paanong magiging kapaki-pakinabang ang ating buhay at kung paano natin masasabing natuto tayo. Hayaan nating magkamali tayo. Intayin natin ang tamang panahon upang masabi nating natuto tayo.
Aalis na ako, kaibigan. Iiwanan na muna kita. Bibilisan ko ang takbo upang hindi ka makahabol. Sa ngayon, kailangan mo munang mapag-isa at tahakin ang landas nang wala ako sa tabi mo. Baka sakali kasi na mas mabuti iyan. Baka mas mabuti iyan upang mas maging matatag ka, at lalong higit, upang malaman mo ang kahalagahan ko. Baka sakali lang naman.

